Ang Buhay, Ministeryo at Pamana ni Derek Prince

Si Derek Prince ay isang pinagpipitagang international Bible teacher dahil sa kanyang teolohikal na karunungan at tapat na pananampalatayang Cristiano. Sumulat siya ng mahigit sa 100 mga aklat na hanggang ngayon ay libu-libo ang bumabasa bawat taon.

Derek Prince

Ministeryo
International Bible teacher, awtor, pastor, minisyonero, at teologo
Kapanganakan
14 Agosto 1915, sa Bangalore, India
Kamatayan:
24 Setyembre 2003 (sa edad na 88, sa Jerusalem, Israel

Mga Nilalaman

(Pindutin para mapunta sa lokasyon)

Kabataan

Si Derek Prince ay isinilang sa isang pamilya na bahagi ng militar ng Britanya sa Bangalore, India noong 1915. Sa gulang na 14 ay natanggap siya bilang iskolar sa Eton College kung saan nag-aral siya ng Griyego at Latin. Kanyang ipinagpatuloy ang pag-aaral sa Cambridge University, England, kung saan ginawaran siya ng Fellowship in Ancient and Modern Philosophy sa King's College. Si Derek ay nag-aral pa ng ilang mga modernong lengguwahe habang nasa Cambridge University, kabilang na ang Hebrew at Aramaic, na lalong napaghusay nang pumasok siya sa Hebrew University sa Jerusalem.

Bagamat si Derek ay laking Anglicano, kanyang tinalikuran ang pagiging Cristiano sa Cambridge University at naging isang atiyesta. Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang panahon sa kolehiyo ay ganito ang kanyang sinabi:

"Marami akong alam na mga salita at mga pangungusap, at maraming bagay na rin akong sinubukan. Subalit, kapag aking naaalala, aaminin kong ako'y lito at bigo, dismayado at walang tiwala, at hindi alam kung saan ko hahanapin ang sagot."

Ikalawang Digmaang Padaigdig

Ang karerang pang-akademiko ni Derek ay naantala sa pagpasok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noon 1940 ay pumasok siya sa Royal Army Medical Corps bilang hindi-panlabang kawal dahil sa kanyang paniniwalang personal. Upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral habang nasa serbisyo, dinala ni Derek ang kanyang Biblia na sa panahong iyon ay itinuturing niya lang itong isang gawaing pilosopikal sa halip na ang kinasihang Salita ng Diyos.

Noong Hulyo 31, 1941, samantalang nasa kuwartel ng pagsasanay sa Scarborough, Yorkshire, siya'y nakaranas ng isang matinding engkuwentro kay Jesus na magpapabago sa takbo ng kanyang buhay. Ganito ang kanyang patotoo:

"Narinig ko ang tinig ni Jesus, na napakalinaw ng pagsasalita sa pamamagitan ng kasulatan, ang Biblia. At magmula sa araw nang marinig ko ang Kanyang tinig, hanggang sa araw na ito, may dalawang bagay na kailanman ay hindi ko pinag-alinlanganan. Hindi ko pinag-alinlanganan na si Jesus ay buhay, at hindi ko pinag-alinlanganan na ang Biblia ay ang Salita ng Diyos."

At doon nagsimula ang espirituwal na paglalakbay ng isa sa mga prominenteng guro ng Biblia ng ika-dalawampung siglo.

Halos kaagad matapos siyang maging Cristiyano, si Derek ay inilipat sa aktibong serbisyo sa mga disyerto ng Hilagang Africa kung saan nagsilbi siya bilang kawal mediko sa loob ng tatlong taon. Kanyang inilaan ang mga libreng oras sa pag-aaral ng Biblia at sa pagpapatatag ng kanyang personal na kaugnayan sa Diyos.

Sa pagtatapos ng digmaan, siya ay lumabas sa serbisyo samantalang nakadestino sa Jerusalem, at kanyang nasaksihan ang katuparan ng propesiya ng Biblia tungkol sa pagbabalik ng mga Judio sa Israel.

Lydia Prince

Noong 1946, pinakasalan ni Derek ang kanyang unang asawa na si Lydia Christensen, isang misyonerang Danish na nagpapatakbo ng isang bahay-ampunan malapit sa Jerusalem. Dahil dito, siya'y naging ama ng walong batang babae na kanilang inampon.

Sina Derek at Lydia ay nanirahan sa Jerusalem hanggang sa muling maitatag ang Judiong estado ng Israel noong 1948. Dahil sa sigalot sa pagitan ng mga hukbong Arabo at ng mga puwersa ng Israel sa panahon ng War of Independence, sila'y inilikas mula sa kanilang tahanan at atubiling bumalik sa England. Nang maayos na ang kanilang kalagayan sa gitnang London, si Derek ay nagsimulang mangaral sa Speaker's Corner sa Hyde Park, at malimit siyang sinasamahan nina Lydia at ng mga bata. Paglipas ng panahon, ang mga dumadalo ay kanilang inanyayahan sa kanilang tahanan, at naisilang ang isang bagong simbahan. Nagpatuloy ito hanggang 1956 nang sila'y tumugon sa panawagan ng Diyos at nagtungo sa Kenya bilang mga misyonero noong Enero 1957.

Paglipas ng mga taon, naging mabunga ang ministeryo nina Derek at Lydia sa mga lokal na mamamayan, kabilang na roon ang muling pagkabuhay ng isang babae sa pamamagitan ng panalangin.

Pagsapit ng 1962, ang mag-asawa ay nag-ampon ng isang sanggol na Kenyano at sila'y namahinga sa Canada. Si Lydia, na mas matanda ng dalawampu't limang taon kay Derek, na noo'y mahigit pitumpung gulang na ay ginustong maging malapit sa mga kaibigan at ibang kapatiran. Dahil sa sitwasyong ito, tinanggap ni Derek ang paanyaya ng isang simbahang Pentecostal sa Minneapolis na maging guro ng Biblia.

Sina Derek at Lydia Prince

Gayunman, bago magtapos ang dekada, sila'y tatlong beses pang lumipat ng lugar: sa Seattle, sa Chicago, at sa Fort Lauderdale. Ang pagpapatuloy ng ministeryo ay nagbukas ng bago at di-inaasahang mga pintuan, subalit ang mag-asawa ay nanatiling tapat sa kanilang tawag mula sa Diyos.

Noong 1968, ang ministeryo ng pagtuturo ni Derek ay biglang umangat sa noo'y nagsisimulang kilusan ng mga Charismatic. Kung saan-saan siya nakakarating, at ipinapangaral ang Salita ng may kapangyarihan at awtoridad.

Noong ika-lima ng Oktubre 1975, si Lydia Prince ay namayapa sa edad na 85 sa piling ng kanyang pamilya. Siya ang awtor ng "Appointment in Jerusalem" na nalimbag bago siya namatay ng taon ding iyon.

Si Ruth Prince

Noong 1978, pinakasalan ni Derek ang kanyang pangalawang asawa, si Ruth Baker, isang dalagang Amerikana na ina ng tatlong mga batang ampon. Nagkakilala sila sa Jerusalem nang si Derek ay bumibisita sa Israel kasama ang mga kaibigan.

Nang magsama na sila, isang bagong yugto ng ministeryo ang nabuksan sa pamamagitan ng pang-araw-araw sa programa sa radyo na pinamagatang, "Today with Derek Prince." Una itong sumahimpapawid sa walong istasyon ng radyo, at biglang dumami ang mga tagasubaybay at sa gayo'y natatag ang pamana ng ministeryo. Sa kasalukuyan, ang mga programang ito ay laganap sa buong mundo at mapapakinggan sa iba't-ibang mga lengguwahe.

Ang mga detalye ng pagmamahalan nina Derek at Ruth ay dokumentado sa aklat na "God is a Matchmaker" na kapwa nila sinulat at nilathala noong 1986.

Litrato nina Derek at Ruth Prince sa pampang ng Zambezi River, Zambia, noong 1985.

Si Ruth ay namayapa sa Jerusalem noong ika-dalawampu't siyam ng Disyembre 1998 dahil sa biglaang pagkakakasakit sa di-malamang dahilan. Siya'y 68 taong gulang at naglingkod ng tapat sa piling ni Derek nang mahigit sa dalawang dekada.

Dahil sa sobrang kalungkutan, sumama ang loob ni Derek. Dahil batid niyang ang masamang puwersang ito ang maaaring magpalayo sa kanya sa Diyos, gumawa siya ng isang pampublikong pahayag sa araw ng libing ni Ruth na siyang magtatakda ng kanyang nalalabing mga taon. Habang ibinababa ang kabaong, pinasalamatan ni Derek ang Diyos sa lahat ng Kanyang ginawa sa buhay ni Ruth, at taos-pusong ipinahayag ang kanyang pag-ibig at pagtitiwala sa kanyang makalangit na Ama. Sa pagbabalik-tanaw, ganito ang kanyang sinabi:

"Iyon ang napakahalagang sandali sa aking buhay. Batid kong ako'y hindi makakausad kapag patuloy kong ipagluluksa ang pagkamatay ni Ruth. Lagi ko lang sisisihin ang Diyos, at masasarhan ang pintuan ng aking buhay. Iyon lang ang tanging paraan upang akoy makapagpatuloy."

Kamatayan:

Si Derek Prince ay namayapa sa natural na kadahilanan noong ika-dalawampu't apat ng Setyembre 2003, sa edad na 88. Unti-unti siyang nanghina paglipas ng panahon at namayapa habang natutulog sa kanyang tahanan sa Jerusalem.

Siya'y inilibing sa Alliance Church International Cemetery sa Jerusalem. Ganito ang mababasa sa kanyang lapida:

DEREK PRINCE
1915-2003
UMUWI NA SIYA
Isang Guro ng Mga Kasulatan
Sa Katotohanan at Pananampalataya at Pag-ibig
Na nakay Cristo Jesus para sa Marami
Ang Diyos ay Tapat

Si Derek Prince habang nangangaral sa Trinity Church (ngayon ay Cornerstone Church) sa San Antonio, Texas, noong 1974.

Guro ng Biblia

Noong 1944, samantalang nakaistasyon sa imbakan ng gamot sa Kiriat Motzkin, Israel, ang Panginoon ay malinaw na nagsalita kay Derek na nagsasabing:

"Ikaw ay tinawag na maging guro ng Mga Kasulatan, sa katotohanan at pananampalataya at pag-ibig, na nakay Cirsto Jesus - para sa marami."

Parang ang layu-layo mula sa kasalukuyang istasyon ni Derek, subalit sa takdang panahon ay nangyari gaya ng ipinangako ng Diyos noong 1941:

"Iyon ay magiging katulad ng isang munting batis. Ang batis ay magiging isang ilog. Ang ilog ay magiging isang malaking ilog. Ang malaking ilog ay magiging isang dagat. Ang dagat ay magiging isang malawak na karagatan, at iyon ay sa pamamagitan mo. Kung paano, ay hindi mo malalaman, hindi mo maaaring malaman, hindi mo malalaman."

Hanggang ngayon, ang pangalang Derek Prince ay nananatiling katumbas ng tamang teolohiya at ng malinaw at sistematikong pagtuturo ng Salita ng Diyos. Ang kanyang matatag na pananampalataya at debosyon sa pag-aaral ng kasulatan ang naging dahilan kung bakit isa siya sa mga pinagpipitagan at hinahangaang mga guro ng Biblia ng kanyang panahon.

Si Derek ay awtor ng mahigit sa 100 mga aklat at di-matatawarang kayamanan ng mga aralin sa Biblia na mapagkakunan at magpapatuloy ng kanyang ministeryo at damdamin. Isinalin sa mahigit sa 100 mga lengguwahe, sila'y nananatiling pinagkukunan ng inspirasyon at pag-aaral ng milyun-milyung mga Cristiyano sa buong mundo.

Isang taon bago namatay si Derek noong 2003, isang mamamahayag ng The Jerusalem Post ang nagtanong sa kanya kung ano ang pinakamalaking pangangailangan ng Simbahan ngayon. "Mga guro ng Biblia," ang sagot ni Derek, "mga seryosong guro ng Biblia." Habang inaalala ang kanilang pag-uusap, ang mamamahayag ay sumulat noong 2006, "Sa katunayan, kakaunti lamang ang mga gaya niya."

Derek Prince Ministries

Noong Mayo 1971, opisyal na nagbukas ng opisina si Derek sa Fort Lauderdale, Florida, upang ilathala at ipamahagi ang kanyang mga aral. Unang nakilala bilang Derek Prince Publications, lumaki nang unti-unti ang gawaing ito, at noong Disyembre 1990 ay pinangalanan ito ng Derek Prince Ministries.

Sa ngayon, ang Derek Prince Ministries ay may mga opisina sa mahigit sa 45 mga bansa sa buong mundo, kabilang na ang Australia, Canada, China, France, Germany, the Netherlands, New Zealand, Norway, Russia, South Africa, Switzerland, United Kingdom at ang United Sates. Ito'y nananatiling matatag sa hangaring maturuan ang mga gutom sa espirituwal, at nang sa gayo'y maisulong ang pangitaing ibinahagi ni Derek noong 2002:

"Ang hangarin ko, at sa paniwala ko'y ito rin ang hangarin ng Panginoon, ay maipagpatuloy ng ministeryong ito ang gawain na sinimulan ng Diyos sa pamamagitan ko sa nakalipas na animnapung taon, hanggang sa pagbabalik ni Jesus."
Derek Prince